Stories

Namiss kita

Ilang araw na rin nga pala akong walang entry.. Ngunit ‘wag kang mag alala dahil hindi lang ikaw ang nagtataka kung bakit wala akong naisusulat sapagkat ako mismo ay walang maisagot sa tanong na iyon. 

Gustuhin ko man makapaglathala ng isang magandang entry kaso sadyang walang pumapasok sa isip ko ngayon. Taliwas sa mga nakaraang rason ko na walang oras at marami akong ginagawa, ngayon ay ibang kwento.. 

Hindi po ako malungkot kung iyon ang iniisip mo dahil sa katunayan nga itong mga nakaraang araw ay buhay na buhay ako at mas malaya at hindi tulad ng mga nakaraang linggo na malayo at magulo ang pag iisip. Bagama’t nalilito pa rin naman ako sa mga bagay bagay kaso hindi na ito ganun ka kumplikado ngayon. 

Matapos ang ilang pagkatulala at lutang nahanap ko ang aking sarili sa isang munting realization na minsan sa buhay may mga oras talaga na gugustuhin mong madetach lang muna. Na kahit alam mong masaya ka sakanya o sa gawaing iyon ay maiisipan mong huminto muna at huminga ng walang pressure o kahit na ano sapagkat alam mong sa pagbalik mo maaari mo paring gawin ‘yon katulad ng kung paano mo sinimulan. 

Hindi ko man alam ang rason at kung para saan iyon but it feels good. Kaya heto ako ngayon umaasa na sa pagbalik ko ay mas may inspirasyon na ulit sa pag susulat ng kahit na ano man.

Namiss kita!

Advertisements